Itinuturing “unusual” ang pag-withdraw ng Office of the Vice President (OVP) ng malaking halaga ng pera na may kabuuang P500 milyon, ayon sa dating Landbank department manager na si Violeta Constantino sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes.

Nagsilbi si Constantino bilang saksi na iniharap ng House prosecution panel sa paglilitis. Tinutukoy niya ang apat na tseke na nagkakahalaga ng P125 milyon bawat isa, na ipina-cash ni Gina Acosta, special disbursing officer ng OVP sa pagitan ng Disyembre 2022 at Hulyo 2023.

Tinanong ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung itinuturing na normal ang mga ganitong transaksyon ng isang ahensiya ng gobyerno, at kung nakakita na si Constantino ng ibang mga ahensiya na gumawa ng mga katulad na transaksiyon.

"Wala po. Unusual po ito," tugon ni Constantino, na nagtrabaho sa LandBank sa loob ng 32 taon.

Tinanong din ni Tulfo kung nag-usisa ba ang bangko kung saan gagamitin ang pera nang i-withdraw ang tseke.

"Kasi po may advice naman na po siya, so kumbaga dumaan naman po ito sa proseso nila kaya I don't think po na magtanong pa kami," sabi ni Constantino.

"Wala na pong exemption kaya lang po itong sa partikular na transaction ng OVP, bale mayroon naman kasi silang pino-forward na advice sa branch," dagdag niya.

Sinabi rin ni Constantino na wala siyang ideya na gagamitin ang mga pagwi-withdraw para sa confidential funds.

Matapos nito, tinanong ni Senator-Judge Bam Aquino kung iniulat ng sangay ang mga naturang "unusual" na transaksyon sa mga awtoridad.

"I'm sorry, Your Honor, may we invoke po 'yung AMLC (Anti-Money Laundering Council) rule na hindi po kami puwedeng mag-disclose any information po regarding sa reporting," sabi ni Constantino.

Gayunpaman, pinagtibay ng dating opisyal ng LandBank na iniuulat sa AMLC ang lahat ng transaksyon na higit sa P500,000, maging pribadong indibiduwal man o empleyado ng gobyerno.

Pati tseke ng DepEd

Samantala, inilarawan din ni Nenita Camposano, isa ring dating manager ng Landbank sa DepEd Pasig branch, na "unusual" ang pag-encash ng tseke ni dating DepEd special disbursing officer Edward Fajarda, sa panahon na kalihim din ng DepEd si Duterte.

Patungkol naman ito sa tatlong tseke na nagkakahalaga ng tig-P37.5 milyon, o kabuuang P112.5 milyon, na inilabas kay Fajarda mula Pebrero hanggang Hulyo 2023 sa sangay ng DepEd sa Pasig City.

Nagsilbi si Duterte bilang kalihim ng DepEd mula Hunyo 2022 hanggang sa kaniyang pagbibitiw noong Hulyo 2024.

"With LandBank DepEd po, for government agencies, ano siya, unusual po ang amount ang pag-withdraw," saad ni Camposano bilang tugon sa tanong ni Senator judge si Francis "Kiko" Pangilinan.

Ayon kay Camposano, humigit-kumulang P10 milyon lamang ang karaniwang halaga ng mga transaksyon sa cash na ginagawa nila sa kanilang sangay.

Sinabi rin ni Camposano, na nagtrabaho sa LandBank sa loob ng 34 na taon, na iyon ang unang pagkakataon na nakaharap siya sa tatlong transaksyon ng cash na tig-₱37.5 milyon sa loob ng isang taon, sa naturang sangay ng DepEd.

"Ngayon lang po 'yung time na may encashment na ganu'n kalaki," dagdag niya.

Aprubado

Sinabi rin ni Camposano na hindi niya alam na para sa confidential funds ng DepEd ang pondo.

Tinanong ni Senator Judge Risa Hontiveros si Camposano na bilang branch manager, kung paano niya natiyak na inaprubahan ni Duterte ang naturang mga transaksyon.

"Dumaan po kasi 'yan sa DBM (Department of Budget and Management), approved ng DBM po 'yan, na-release po ang pondo ni BTr (Bureau of the Treasury). Mayroon po 'yang advice and pirmado po ng mga authorized signatories ng DepEd," tugon niya. — Jamil Santos FRJ GMA News