Bumisita lang noon sa Pilipinas ang isang babaeng French content creator pero nagustuhan niyang dito na manirahan at natutunang yakapin ang kulturang Pinoy. Ang ilan sa mga alaga niyang manok, pinangalanan niyang Abodo at Inasal.

Sa nakaraang episode ng I Juander, ipinakilala si Julie Boulet, na sumabit lang noon sa biyahe ng kaniyang asawa para mamasyal, at nagustuhan niyang manirahan sa Pilipinas.

Sa isa niyang social media post, sinabi ni Julie na halos tatlong taon na siyang naninirahan sa bansa, at pasok na pasok din sa kaniyang panlasa ang mga pagkaing Pinoy.

Ang ilan niyang alagang mga manok, binigyan pa niya ng pangalan na sina Adobo at Inasal.

Upang madagdagan ang kaalaman ni Julie sa kulturang Pilipino, sinamahan siya ng GMA host na si Empoy Marquez sa Likhasan Camp sa Cavite para tuklasin pa ang wika at mga kulturang Pinoy.

Una silang pinasuot ng tradisyonal na Southeast Asian costume, saka sumalang sina Empoy at Julie sa paggawa ng nilupak na saging, na swak naman sa panlasa ng dayuhang content creator.

Sunod nilang sinubukan ang sinaunang laro na “kadang-kadang,” na nangangailangan ng balanse ng katawan. Dalawang klase ito,na ang isa ay gawa sa kawayan, at bao naman na may tali ang isa pa.

Kapag sa de-bao, kailangan munang hilahin ang tali nito, saka tatapakan ang bao at gagamitin ito sa paglakad. Kapag de-kawayan naman, kailangan lamang tumapak sa kawayan para makapaglakad ngunit dapat makuha mo ang balanse ng katawan.

Sunod namang tinikman nina Empoy at Julie ang mga sikat na Filipino food.

“Anytime you go somewhere new it's a little bit of adaptation. I have the advantage of speaking English on top of French which really helps because a lot of Filipinos speak English. Or even if you're in the middle of nowhere, understand to a certain level and you're able to communicate with people,” sabi ni Julie.

“Nakaka-proud siya dahil magkaiba man kami ng lenggwahe at bansa, nakakatawa siya kasi nagustuhan niya 'yung culture natin dito sa Pilipinas,” papuri ni Empoy tungkol kay Julie.

“Madalas ang wika ay iniisip lang natin na sinasalita pero sa ating kultura mahalagang pag-usapan 'yung di-verbal na komunikasyon. Pinakamahalaga pala 'yung kultura 'yung ‘pag alam natin sa bawat katangian ng mga kultura ay natatangi. So para higit natin silang maunawaan eh kailangan natin silang usisain,” sabi ng linguist na si Eilene Narvaez. – FRJ GMA News