Nahuli-cam ang isang dating overseas Filipino worker na babae na lumabas mula sa isang ospital, at may bitbit na ecobag sa Mabalacat City, Pampanga. Ang laman pala ng ecobag, isang bagong silang na sanggol na kinuha niya nang walang paalam sa tunay nitong ina.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing natunton kinalaunan ng mga awtoridad ang babae sa Magalang, Pampanga, at nasagip din ang bata.

Bukod sa babae, kasama ring iniimbestigahan ng pulisya ang mister ng suspek na aalamin kung sangkot din siya sa pagdukot sa sanggol.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na natutulog ang mga magulang ng sanggol nang sumalisi ang suspek at kinuha ang bata.

Bagaman mayroon umanong nakakita sa ginawang pagkuha ng suspek sa sanggol, pero inakala nito na kamag-anak ng mga magulang ng bata ang suspek.

Ang sanggol, ibinalot umano ng suspek sa balabal ang sanggol, inilagay sa ecobag, at malayang nakalabas ng ospital.

Ayon kay Police Lt. Col. Jose Charlmar Gundaya, hepe ng Mabalacat Police Station, bago ang insidente ng pagdukot, nagpunta na ang suspek sa kuwarto na kinaroroonan ng sanggol, at nagawa ring makipagkuwentuhan sa pamilya na tila kamag-anak.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dating OFW ang babae, at nawalan ng anak.

“Postpartum depression. Sa depression ng pagkawala ng anak niya, parang gusto niyang palitan yung anak niya,” sabi ni Gundaya.

Ligtas na nabawi ng mga awtoridad ang sanggol mula sa suspek at naibalik na ang bata sa kaniyang pamilya.

Nahaharap naman sa kaukulang reklamo ang suspek, at aalamin din kung may pagkukulang sa seguridad ng ospital matapos na mailabas ng babae ang sanggol.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamunuan ng ospital, ayon sa ulat. --FRJ GMA News