Mahigpit nang ipinagbabawal sa mga lalaking pasahero na bumukaka habang nakasakay sa mga pampublikong transportasyon sa Madrid, Spain, gaya ng bus at tren.
Ang direktiba ay ipinatupad ng Municipal Transportation Company (EMT) ng Madrid dahil sa mga reklamo na nakaaabala at nakakaagaw ng espasyo ng ibang pasahero ang pagbukaka ng mga lalaki, ayon sa online news na The Telegraph.
Nakasaad umano sa inilabas na pahayag ng EMT na, “The new information icon indicates the prohibition of taking a seating position that bothers other people.”
“It’s to remind transport users to maintain civic responsibility and respect the personal space of everyone on board,“ dagdag nito.
Naglagay din ng mga poster sa mga pampublikong sasakyan na nagpapakita sa pagbabawal sa mga lalaking pasahero na bumukaka, at ang tamang pag-upo.
Sa ngayon, hindi pa umano malinaw kung pagmumultahan ang mga lalaking hindi susunod sa direktiba ng EMT.
Sa Metro Manila na malaking bilang ng populasyon ang gumagamit ng mga pampublikong transportasyon gaya ng mga tren, bus, at jeepney, dapat din kayang magpalabas ng katulad na direktiba ang mga kinauukulang ahensiya sa Pilipinas? -- FRJ, GMA News

