Matapos itampok sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang istorya ng conjoined twins ng Roxas, Palawan na sina Chiara at Charina Nortega, dumagsa ang tulong para sa kanila.
Ang ibang nagmamagandang-loob, nagmula pa sa iba't ibang bansa. Pero ang malaki pa ring katanungan, may ligtas kayang paraan upang mapaghiwalay sila?
Sa nakaraang episode ng "KMJS," ipinakita ang ilan sa mga handang tumulong sa kambal tulad nina Mohammed Al Hashimi mula sa Dubai, UAE, Shane Van Dijk sa Switzerland, at Theresa Tang Chui Ling, Singapore.
May mga tumatawag din umano mula sa mga bansang Amerika, India, Saudi Arabia, Hong Kong, at Taiwan, na nagpahayag ng kahandaan na maging tulay para maiugnay ang kambal sa mga ospital sa kani-kanilang lugar na may kakayahang magsagawa ng operasyon upang mapaghiwalay ang kambal.
Nalaman din ng programa na may mga dumating nang mga tulong sa pamilya Nortega para sa kambal gaya ng balikbayan box na naglalaman ng mga gamit para sa magkapatid mula sa isang nagpakilalang "Miko."
Ang mga magulang nina Chiara at Charina, handa na raw tanggapin kung anuman ang magiging resulta sakaling operahan ang kambal.
Muling binalikan ng "KMJS" team ang kambal sa Palawan upang samahan silang lumuwas ng Maynila upang masuri at isailalim sa MRI o Magnetic Resonance Imaging, na bahagi ng proseso sa pag-aaral kung kaya ba silang mapaghihiwalay nang ligtas.
Panoorin ang ginawang pagtutok ng award winning GMA program na "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News
