May kasabihan na kapag in love, inspired.
Kaya naman siguro ang isang advertising agency sa Pasig City, may nakalaang love life benefits sa kanilang mga empleyado tulad ng breakup leave, date allowance at pati budget para sa kasal.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing isang linggong breakup leave ang puwedeng i-file ng empleyado, at maaari niya itong gawin ng dalawang beses sa isang taon.
Kung hindi naman heart broken, may date allowances na laan ang kompanya sa empleyado na P1,500 kada date.
At kung sa simbahan ang tungo ng matagumpay na pag-iibigan, may hanggang P150,000 na regalo ang kompanya para wedding reception.
Kung naghahap pa lang ng love life, ang kompanya naman ang sasagot sa subscription para sa dating apps upang mahanap ng kanilang empleyado ang kanilang inspirasyon.
Hindi rin gaya ng karaniwang kompanya na obligado ang mga empleyado na nasa opisina, ang ad agency na ito, iniingganyo pa ang kanilang mga tauhan na lumabas para makapulot ng idea kaugnay sa kanilang trabaho.
Ayon kay Clemente Domingo III, CEO ng Ideas X Machina, ginagawa nila para mabigyan ng insentibo ang kanilang mga tauhan at higit na makakuha ng inspirasyon na makatutulong sa kanilang kompanya.
"It is what you experience in life that make you creative. It makes a lot of business sense to almost require people to go out," aniya. -- FRJ/KVD, GMA News
