Sa isang pambihirang sitwasyon, nakaisip ng kakaibang paraan ang isang lalaki para makahingi ng saklolo matapos siyang makulong sa maliit na espasyong kinalalagyan ng ATM sa Corpus Christi, Texas sa USA.

Sa ulat ng KrisTV.Com, sinabi ni Corpus Christi Police Senior Officer Richard Olden, na hindi nila inasahan ang kanilang nakita nang puntahan ang isang bangko nang rumesponde sila sa nakuhang impormasyon na may nakitang sulat sa ATM na nagsasaad ng paghingi ng saklolo.

“Please help Im stuck in here and I don’t have my phone Please call my boss at...," saad sa sulat, na nakita sa puwang ng ATM na pinaglalabasan ng resibo sa mga transaksyon sa makina.

Inakala umano ng ibang gumamit ng ATM na may nagbibiro lang hanggang sa isang tao ang nagseryoso at itinawag sa mga awtoridad.

Maging ang mga pulis, hindi kaagad naniwala sa sulat kahit pinuntahan nila ang lugar. Pero nang marating nila ang ATM, nakarinig sila ng boses mula sa loob at tinawagan ang boss nito at nailigtas ang lalaki.

Hindi nabanggit kung gaano katagal ang lalaki sa loob ng ATM pero pinapalitan umano nito ang electronic lock sa loob ng maliit na kuwarto na kinaroroonan ng ATM nang mangyari ang hindi niya inaasahang pagkakakulong.

"Everyone is okay, but you will never see this in your life, that somebody was stuck in the ATM, it was just crazy," saad ni Olden sa naturang ulat. -- FRJ, GMA News