Mistulang "bumaha" ng beer sa isang bahagi ng Balintawak sa Quezon City nang madiskaril ang isang truck at malaglag ang kargang mahigit isang milyong pisong halaga ng serbesa. Hindi naman pinalampas ng ilang residente ang pagkakataon na makainom nang libre.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, lumitaw na nalaglag ang kahong-kahong beer nang bumukas ang cover ng trailer at nahulog ang mga karga sa kalsada kaninang madaling araw.

Ang mga tao sa lugar, kani-kanilang diskarte para makakuha ng beer.

Mayroong mga kumukuha ng bote-bote, may nagsasalin ng serbesa sa dala nilang mga lalagyan, at ang iba... doon na mismo ininom ang alak kahit walang pulutan.

Ang isang ginang, aminadong may kaunting "tama" na matapos makainom ng ilang bote ng serbesa sa gilid ng kalsada.

Ang driver ng trak na si Nico Cereso, wala nang nagawa kung hindi panoorin habang pinagpi-fiestahan ng mga tao ang karga niyang beer.

"Dinudumog po eh, kinukuha lahat. Hindi naman po puwedeng awatin ng ano... baka mamaya paluin pa ko," aniya.

Mula sa planta sa Valenzuela ang trak at papunta na sana ng sales office sa Canlubang, Laguna nang mangyari ang insidente.

Aabot umano sa 1,536 na case ng beer ang karga ng trak na tinatayang nagkakahalaga ng P1.3 milyon.

Dumating naman ang mga tauhan ng NLEX upang palahin at walisin ang mga basag na bote, kasama ang ilang taga-barangay at mga residente.

Problemado ngayon ang drayber  dahil sa mga nakuhang kahon-kahong beer. -- FRJ/KVD, GMA News