Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang babae na nagkunwaring wedding organizer sa isang kasal sa Nueva Ecija para makapasok sa reception area para maisagawa ang maitim niyang balak— ang makapagnakaw sa bisita. Alamin ang kaniyang modus nang hindi mabiktima.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng ikinasal na babae na bigla na lang daw inagaw ng suspek ang imbitasyon sa isang sakristan sa simbahan sa Gapan, Nueva Ecija at doon na umastang wedding organizer.
"Dapat po kasi, ang mag-a-assist sa amin sakristan lang. Ang ginawa po, inagaw niya 'yung invitation sa sakristan, dahil sinabi nga pong organizer siya," anang bride.
Laking gulat umano nila nang pakialaman nito maging ang seremonya sa kasal tulad ng pagmartsa ng mga ninong, ninang at mga abay.
"Saan ka naman makakakita ng kasal na ganu'n, wala man lang music. Tapos sabi nga po ng mga ninang para silang mga tanga na pinagpalakad-lakad. Siyempre hindi naman sila makaangal dahil akala nga nila, talagang 'yon ang nag-aayos. Sinunod na lang nila," dagdag pa ng bride.
Dahil napaniwala ng babae ang mga tao na parte siya ng kasal, nakapasok siya sa reception area kung saan niya natangay ang pera at mga gamit ng isang bisita na umaabot sa P100,000 ang halaga.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang babae na nakikihalubilo pa siya sa ibang tao at hindi mapakali na tila may hinahanap.
Pero nang may nakita siyang bisita na tumayo mula sa isang VIP table para kumuha ng pagkain sa buffet area, dali-dali niyang pinuntahan ang upuan ng naturang bisita at kinalkal ang laman ng bag.
Nang makuha ang pakay, mabilis na lumabas ang babae at sumakay sa tricycle.
"Once in a lifetime lang po kasi 'yun, pangarap pa man din po ng asawa ko ang magandang kasal kaso, hindi po naging maganda dahil sa babae na 'yan," hinanakit ng groom.
Umani ng libu-libong komento ang litrato ng suspek at ang kuha ng CCTV nang i-post sa Facebook ng bagong kasal ang nangyari.
Lumilitaw sa paunang pagsisiyasat ng pulisya na hindi ito ang unang beses na umatake ang babae at sinasabing nakapambiktima na rin siya Visayas at Mindanao.
Napag-alaman na nahagip pa sa isang litrato ang hitsura ng babaeng salisi.
"Masama ang loob ko dahil pinush ko lang talaga yung kasal namin tapos nasira niya," ayon sa bride. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
