Pumanaw na ang sikat ang male orangutan na si Chantek sa Zoo Atlanta sa edad  na 39. Si Chantek ang kauna-unahang unggoy na natuto ng sign language.

 

(Courtesy Zoo Atlanta/Handout via REUTERS)

Sa ulat ng Reuters, sinabing bukod sa pagkatuto ng sign language, kaya ring linisin ni Chantek ang kaniyang kuwarto, at kabisado niya ang pagpunta sa isang fast-food restaurant.

Isinilang si Chantek sa Yerkes Regional Primate Research Center sa Atlanta, at nanirahan sa University of Tennessee sa loob ng siyam na taon kasama ang anthropologist na si Lyn Miles.

Sa dokyumentaryong "The Ape Who Went to College," ipinakita kung papaano natuto si Chantek ng ilang gawain na ginagawa ng tao tulad ng paglilinis ng kuwarto. Natutunan din niya ang paggamit ng ilang bagay.

Nang ilipat siya Zoo Atlanta noong 1997, nakikipag-ugnayan si Chantek sa mga zoo keeper sa pamamagitan ng sign language.

Inaalam pa ang dahilan ng pagkamatay ni Chantek pero mayroon na siyang problema sa puso.

"Chantek will be deeply missed by his family here at Zoo Atlanta. He had such a unique and engaging personality and special ways of relating to and communicating with those who knew him best," ayon kay Hayley Murphy, vice president ng animal division ng zoo. -- FRJ, GMA News