Kinatigan ng Korte Suprema ng Amerika ang desisyon ng opisyal ng pulisya sa Bossier Parish, Louisiana na sibakin ang dalawa niyang tauhan na magpalitan ng asawa kahit hindi pa nadedeborsiyo ang kani-kanilang kasal.

Sa ulat ng Agence France-Presse,  sinabing unang pinagbakasyon ni Chief Deputy Sheriff Charles Owens ang kaniyang mga tauhan na sina Brandon Coker at Michael Golden nang malaman nito noong October 2014 na nagpalitan ng asawa at pamilya ang dalawa.

Dahil natagpuan umano ng dalawang pulis ang kaligayan sa piling ng asawa ng isa't isa, nagpasya sila na magpalitan na lang ng bahay na uuwian matapos kausapin ang kani-kanilang pamilya.

Lumipat si Golden sa bahay ng asawa ni Coker, habang si Coker naman ang lumipat sa asawa ni Golden. Kapwa hindi pa umano napapawalang-bisa ang kasal ng dalawang pares.

Hindi umano nagustuhan ni Owens ang ginawa nina Coker at Golden dahil nilabag nila ang Sheriff's Code of Conduct na nagbabawal ng "illegal, immoral or indecent conduct," kaya isinailalim sila sa administrative leave.

Kasama sa kondisyon ni Owens na dapat bumalik sa kani-kanilang tunay na pamilya ang dalawa hanggat hindi pa napapawalang bisa ang kani-kanilang kasal.

Kung hindi umano susunod ang dalawa, ikokonsidera sila na "terminated employment voluntarily."

Gayunman, sinunod umano nina Coker at Golden ibinubulong ng puso at binalewala ang utos ng kanilang opisyal. Sinampahan pa nila ito ng reklamong "unlawful termination."

Reklamo ng dalawa, labag ang Sheriff’s Code of Conduct sa First Amendment ng US Constitution, na nagsasaad ng kalayaan sa pagpapahayag at "the right of the people peaceably to assemble."

Gayunman, kinatigan ng district at maging ng appeals court ang desisyon ni Owens.

"Sexual decisions between consenting adults take on a different color when the adults are law enforcement officers,"  saad sa desisyon ng New Orleans-based Fifth Circuit Court of Appeals noong Mayo.

Idinagdag pa sa desisyon na, the law "does not create 'rights' based on relationships that mock marriage."

Sinabi sa ulat na hindi na sinuri ng kataas-taasang hukuman sa Amerika ang kaso kaya mananatili ang mga naunang desisyon ng mababang korte. — Agence France-Presse/FRJ, GMA News