Hinangaan ng netizens ang isang babaeng pulis sa La Union at isang babaeng walang mga binti sa Cebu dahil sa kanilang husay sa pagsayaw na kapwa nag-viral ang mga video.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, ipinakita ni Senior Police Officer 4 Maria Jesusa Pajarillo ng Rosario, La Union, na hindi lang siya mahusay sa pagganap sa tungkulin kung hindi maging sa pagsayaw at pakikisama sa mga tao.
Nitong nagdaang selebrasyon ng bagong taon, saglit na nag-break si Pajarillo sa seryoso niyang trabaho sa pagmamando ng trapiko para makisaya sa mga tricycle driver.
Sa video na kuha ng ka-shift niya na si PO1 Reneboy Rosal, makikita na masayang nakikipagsayaw si Pajarillo sa isang drayber.
"Kaming mga pulis kahit sino po kailangan maging kaibigan namin. Kahit tricycle driver kahit manlalako, o anuman diyan.So yung pulis po dapat maging kaibigan sa lahat-lahat po," ayon kay Pajarillo.
Siniguro naman niya na kahit friendly siya ay nagagampanan niya nang tama at estriktong naipatutupad ang kaniyang tungkulin lalo na sa mga pasaway na driver.
Samantala, marami rin ang humanga sa video ni Mildred Coyoca ng Daanbantayan, Cebu, na napanood na hataw sa pagsayaw.
Sa simula, kalahati lang ng kaniyang katawan ang makikita sa video na nagsasayaw.
Pero nang ipakita na ang buo niyang katawan, doon na nakita na wala siyang mga binti.
Labis siyang hinangaan ng mga nanonood dahil nagawa pa niyang mag-cartwheel, split at hand stand.
Patunay si Coyoca na hindi hadlang sa pagbibigay ng kasiyahan sa mga tao at pagtupad ng mga pangarap ang pagkakaroon ng kapansanan. -- FRJ, GMA News
