Isang lalaking nakabihis at may props na tila mensahero dahil sa bitbit na sling bag ang nahuli-cam na pasilip-silip sa mga bahay hanggang sa tangayin niya ang isang mamahaling bisikleta sa Quezon City.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV ng Barangay Quirino noong Linggo ng umaga ang suspek habang sumisilip sa mga bahay na aakalaing maghahatid lang ng sulat.

"Nagha-house to house siya, nagmamatyag siya, tinitingnan ang posibilidad na papasukin niya," ayon kay Noel Agdeppa, punong barangay.

Hindi nagtagal, isang bahay ang pinasok ng suspek at paglabas ay sakay na ito ng isang bisikleta at tuluyang tumakas.

Ayon sa may-ari ng bisikleta na nasa P20,000 ang halaga, mababa lang at bukas ang gate ng kanilang bahay kaya nakapasok ang kawatan.

Paniwala ng mga opisyal ng barangay, hindi residente sa kanilang lugar ang suspek at nakatiyempo lang ng bahay na sasalisihan.

Payo ng punong barangay, laging maging mapagmatyag at panatilihing sarado o naka-lock ang pintuan para hindi makapasok ang mga kawatan.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek.-- FRJ, GMA News