Sa pamamagitan ng fertilized embryos na inilagay sa isang babae, isang sanggol ang isinilang sa China. Pero ang mga tunay na magulang ng bata, apat na taon nang patay dahil sa isang aksidente.
Sa ulat ng Beijing News, sinabing isinilang ang sanggol na lalaki noong nakaraang Disyembre na binigyan ng palayaw na "Tiantian," o "sweet" sa Mandarin.
Napag-alaman na sumasailalim noon sa fertility treatments ang mag-asawa bago naganap ang trahediya noong 2013 na kanilang ikinasawi.
Ang mga magulang naman ng nasawing mag-asawa, naghain ng petisyon sa korte na pahintulutan silang magkaroon ng karapatan sa nakatagong fertilized embryos ng mga anak na nakalagak sa isang ospital sa Nanjing.
Pero dahil iligal sa China ang "surrogacy," naghanap sila ng bansa na maaaring pinapayagan ang babae na dalhin sa sinapupunan ang fertilized embryos ng nasawi nilang mga anak.
"He's always smiling. His eyes are like my daughter's, but he looks more like his dad," kuwento ng bagong lola na si Hu Xingxian tungkol sa kaniyang apo.
Ikinuwento rin nila ang mga pinagdaang pagsubok para maisilang ang sanggol gaya ng pagbiyahe sa similya.
"First we thought of using air freight, but none of the airlines were willing to take the thermos-sized bottle of liquid nitrogen where the four embryos were stored," sabi sa Beijing News ni Liu Baojun, surrogacy expert na tumulong sa pamilya.
Dahil dito, ibiniyahe nila "by road" ang similya patungong Laos, kung saan pinapayagan ang commercial surrogacy.
Sunod na problema ang pagbabalik ng sanggol sa China, at kailangang patunayan sa DNA test na Chinese ang mga magulang ng bata.
Dito na kinailangang dalhin sa China mula sa Laos ang babae na nagdala sa sanggol sa kaniyang sinapupunan upang doon manganak.
Pagkaraan ng ilang araw matapos isilang ang sanggol, nagbigay ng DNA sample ang mga lolo at lola ng bata para patunayan na kadugo nila si "Tiantian."
Ayon sa lolo ni Tiantian, ipapaalam nila sa apo ang nangyari sa kaniyang mga magulang kapag nasa hustong gulang na siya at kaya nang unawain ang mga pangyayari.— Agence France-Presse/FRJ, GMA News
