Naging instant celebrity sa social media ang isang raccoon nang lumabas ang kaniyang video at mga larawan nang akyatin niya ang 25-palapag na gusali sa Minnesota, USA.

 


Sa ulat ng Reuters, sinabing ilang oras pang nanatili sa tuktok ng isang 25-story building ang raccoon na nag-ala-Spiderman bago siya nasagip.

ADVERTISEMENT

 


Bago nito, kaagad na kumalat sa social media ang adventure ng raccoon nang una pa lang siyang makita sa mas mababang bahagi ng gusali dalawang araw ang nakalilipas.

Sunod-sunod na ang pag-post sa larawan ng raccoon hanggang sa makunan siya ng video habang gumagapang paakyat sa labas ng gusali hanggang sa marating niya ang ika-25 palapag.

Nagpalipat-lipat pa siya ng puwesto sa mga bintana sa gusali nang subukan siyang itaboy ng isang nagtatrabaho sa lugar.

Sa huli, tagumpay na nakuha ng mga rescuer ang raccoon matapos silang maglagay ng mga bitag.

“After a delicious meal of soft cat food, #mprraccoon has been caught and will be picked up by Wildlife Management. Goodbye friend!,” saad sa tweet ng pamunuan ng gusali.

Sa tweet naman ng isang mamamahayag, sinabi nito na pakakawalan ang raccoon sa isang ligtas na lugar. (Larawan mula sa Reuters) Reuters/FRJ, GMA News