Estudyante sa umaga, balut vendor sa gabi.

Ganito umiikot ang buhay ng 16-anyos na si Sherwill Angel de Guzman ng Calasiao, Pangasinan.

Ayon sa ulat ni Jasmine Gabriel-Galban ng RTV-Balitang Amianan, hirap sila sa buhay at kapos sa pera kaya naman kahit kaunti ang kita, naglalako siya nang ilang oras sa mga kalsada para magtinda.

Hindi niya ito ikinahihiya lalo't ginawa niya ito sa kaniyang determinasyong makapagtapos ng pag-aaral.

"Dahil po yung paghihirap nila mama ko, 'pag, yung para mabayaran ko rin, kasi po pag 'di pa po nakapagtapos sayang po yung paghihirap nila," anita.

Pangalawa sa anim na magkakapatid sa Sherwill. Pursigido siya sa klase at kahit kumakayod sa gabi, wala siyang mintis sa class attendance.

Pagkatapos ng klase, diretso siya sa paglalako ng balut kasama ang ama at mga kapatid.

Kasabay ng kaniyang halos magdamag na pagtitinda, naisasabay pa niya ang pagbabasa ng libro at mga aralin.

Lampara lamang ang nagsisilbi niyang ilaw.

Batid niya ang hirap sa pag-aaral, pero hindi raw susuko si Sherwill para maabot ang kaniyang mga pangarap.

"Medyo mahirap, kasi po pag may quiz mahirap pong mag-review, pagsabayin, ganoon," ani Sherwill. "Kaya naman po."

Ang kwento ni Sherwill, nagsisilbi ngayong inspirasyon sa kanilang paaralan.

"Kaya bilib ako sa kanya kung ganyan yung kanyang pananaw sa buhay, dahil nga siya yung mayroong, gustong maging, gumanda yung kanyang buhay in the future," ayon kay Freddie Gaspar, guro ni Sherwill.

Pangarap ni Sherwill na maging nurse.

Sa mga kabataang gaya niya, hindi raw dapat maging hadlang ang kahirapan para makamit ang pangarap.

"Mag-aral po kayong mabuti, kasi po para sa inyo din po 'yan, yung mga, yung mga paghihirap ng mga magulang niyo, huwag niyo pong sayangin, huwag niyo pong sayangin at baliwalain dahil para sa inyo po 'yan," aniya. —JST, GMA News