Ang bulldog na si Zsa-zsa ang itinanghal na "World Ugliest Dog" ngayong taon. Ginanap ang kakaibang kompetisyon ng mga aso sa Petaluma, California.
Lawlaw ang dila, sungki ang mga ngipin sa harap, tila puti ang mata at sakang ang mga binti ng siyam na taong gulang na si Zsa-zsa.
Sa online news na www.ctvnews.ca, sinabing ito na ang ika-30 taong idinaos ang kompetisyon sa papangitan ng aso sa Petaluma.
Layunin umano ng kompetisyon na palakasin ang pet adoption at makalikom ng pondo para sa mga nasasagip na mga aso na inilalagay sa ampunan.
Maiuuwi ni Zsa-zsa at ng kaniyang amo ang premyong $1,500.00. -- FRJ, GMA News
