Sa gitna ng suntukan, balyahan at sipaan sa pagitan ng Philippine at Australian teams sa FIBA Basketball World Cup  qualifier noong Lunes ng gabi, nakunan ang larawan ng Gilas cadet na si Troy Rike na nakatayo sa ibabaw ng kinukuyog at nakahiga nang si Chris Goulding ng Boomers.

Ang kahanga-hangang ginawa ni Rike, umani ng papuri maging sa media ng Australia.

Pero nu'ng una, merong mga nag-akalang kasama din siya sa mga nakikipag-away.

Bilang pagkilala sa kaniyang ginawa, binigyan si Rike ng cash incentive na P100,000 mula sa sponsor ng koponan.

Pero nagdesisyon siyang i-donate ang pera sa isang Filipino at isang Australian charity.

"Australian players and Filipino players both have admitted their regret for our actions. We're trying to move forward. Unfortunately we can't take back what happened. I call on all people to try to get good out of this. Maybe this is the first step to bringing something good to the world. 'Cause that's what basketball means to me. It's about bring people together," ani Rike sa ulat ni Mav Gonzales sa 24 Oras ngayong Biyernes.

Lumaki sa San Francisco, California ang 22-anyos na basketball player.

Ni-recruit siya para sumali sa 23 for '23, o ang dalawampu't tatlong batang basketball player na tine-train para sa 2023 FIBA World Cup.

Sa video na pinost ni Rike sa kaniyang Twitter account, makikitang suot niya ang jersey ng National University.

Ayon sa SPIN.ph, maglalaro siya para sa Bulldogs sa UAAP. Naglaro rin si Rike para sa Wake Forest University sa NCAA sa Amerika. —JST, GMA News