Nag-uwi na naman ng karangalan para sa Pilipinas si Hidilyn Diaz matapos magwagi ng gold medal sa Asian Games.

Nagtagumpay si Hidilyn sa women's 53-kg. weightlifting competition upang masungkit ang korona para sa bansa.

Kasama ng kaniyang silver medal sa Rio De Janeiro Olympics noong 2016, isa na si Hidilyn sa mga pinakamatagumpay na atleta sa kasaysayan ng bansa.

Pero hindi pa nagtatapos ang pangarap ni Hidilyn, na balak sumabak muli sa laban sa 2020 Olympics sa Tokyo, kung saan minimithi niyang makamit ang kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas.

Sa kaniyang press conference nitong Martes matapos dumating sa Pilipinas, natanong si Hidilyn kung ano ang kaniyang preparasyon — at kung ano ang epekto nito sa kaniyang personal na buhay.

Pag-amin ni Hidilyn: "Yes po, may boyfriend po ako."

Pero dagdag niya, prayoridad pa rin niya ang training bago ang lovelife.

"Swerte ako sa boyfriend ko kasi naiintindihan niya 'ko at naiintindihan niya na hindi siya, 'yun pong priority ko, at ang weightlifting po talaga ang priority ko and Philippines, to represent the Philippines," aniya. —Margaret Claire Layug/JST, GMA News