Kung may mga lugar na balewala ang mga pusang-gala, ibahin ang lokal na pamahalaan ng Zelenogradsk, Russia. Naghanap sila ng tao at naglaan pa ng pondo para tiyakin na may mag-aalaga sa mga palaboy na pusa.
Sa ulat ng Reuters, sinabing kilala na cat-lover ang nabanggit na bayan. Katunayan, isang estatwa pa ng pusa ang inilagay sa lugar.
Sa 80 katao na nag-apply bilang "cat chief," si Svetlana Logunova, residente sa lugar, ang natanggap sa trabaho para pakainin ang mga palaboy na pusa na aabot umano sa 70.
“I alone cannot care for every single one and a helping hand would go a long way,” sabi ni Logunova.
Bukod sa bisikleta at uniform, makatatanggap din ng budget ang babae ng 5,700 roubles o katumbas ng mahigit P4,600 kada buwan para tiyakin na masaya at hindi magugutom ang mga pusang-gala. (Larawan: screengrab mula sa Reuters' video) .-- Reuters/FRJ, GMA News


