Isang tindahan sa isang barangay sa Malimono, Surigao Del Norte ang dinadayo at tinatambayan ng mga residente hindi dahil sa kaniyang paninda kung hindi dahil sa naturang lugar lang may signal ang cellphone.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing pinuntahan ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang tindahan ni Berjida Betonio sa Barangay Karihatag na bukod-tanging may signal dahil mataas ang kaniyang lugar kaya nakasasagap ng signal.
Sa naturang tindahan, hindi lang mga paninda ang makikitang nakasabit kung hindi maging ang mga iniiwang cellphone ng mga kapitbahay niya.
Dahil naging tambayan na rin ng mga tao ang tindahan ng mga naghihintay ng tawag at text, hindi lang signal ang kanilang nasasagap kung hindi ang mga iba't ibang kuwento at tsismis.
Ang kawalan umano ng maayos na signal sa barangay ang dahilan ng iba't ibang problema tulad ng pagkawala ng oportunidad, pagkasira ng relasyon, at maging pagkawala ng buhay dahil hindi makatawag ng ambulansiya sa oras ng emergency.
Pag-amin ng kapitan ng barangay, kapag napinsala sila ng matinding bagyo, tiyak na hindi umano kaagad malalaman ang kanilang kalagayan dahil sa kawalan ng ibang paraan ng komunikasyon.
Sa pakikipag-ugnayan naman sa lokal na pamahalaan, kumilos na ang mga kinauukulan para matugunan ang problema.
Magsisilbing maagang pamasko sa mga residente ang hatid na balita na magkakaroon na sila ng signal sa loob ng isa o dalawang taon. —FRJ, GMA News
