Binalikan nina Robb Guinto at Yasser Marta ang simpleng simula ng kanilang pag-iibigan na hindi dumaan sa ligawan.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, ibinahagi ng magkasintahan na una silang nagkakilala nang magkasama sa isang pelikula.

“May ginawa po kaming movie. ‘Yun po ‘yung first time namin na nag-meet. ‘Desperada.’ ‘Yung unang beses, Tito Boy, sa story con nung movie,” ayon kay Yasser.

Inamin naman ng aktor na dumistansiya pa rin siya kay Robb dahil hindi niya alam kung paano lalapitan ang dalaga.

“Tinitingnan ko lang siya kasi siyempre first time namin mag-meet. Hindi ko pa alam kung paano siya i-approach. Tapos parang dinededma niya lang ako eh,” kuwento ng aktor.

Nilinaw naman ni Robb na nag-iingat din lamang siya at ayaw niyang magmukhang masyadong palagay agad sa aktor.

“Kumbaga kasi nung una, ‘pag once na unang kilala mo naman sa tao, ayaw mo naman magpaka-feeling close eh. Kumbaga parang pinapakiramdaman ko rin siya,” kuwento ni Robb.

Nagbago raw ang lahat nang mas magkasama pa sila nang matagal sa isang workshop para sa pelikula.

“Nung workshop, sabi ko, ‘Alam mo, ang cute-cute mo.’ Doon na na-break ‘yung ice,” ani Yasser.

Lalong lumalim ang kanilang koneksiyon patungo sa mahalagang yugto sa kanilang ugnayan nang magpunta sila sa Bali.

Ibinahagi ni Robb na sa halip na dumaan sa tradisyunal na panliligaw, naging diretsahan na raw agad si Yasser.

“Actually, hindi niya sinabing puwede bang manligaw eh. ‘Pwede ba kitang maging girlfriend?’ Nag-yes po ako,” kuwento ni Robb.

Dating napanood si Yasser sa mga Kapuso show na “Black Rider,” “Tadhana: Sister's Keeper,” at “Lovers & Liars.” Habang si Robb naman, naging bahagi sa ilang Kapuso series gaya ng “Mga Batang Riles.” — Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News