Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) na posibleng lumampas sa P500 kada kilo ang presyo ng karne ng baboy dahil sa patuloy na krisis sa mga produktong petrolyo na dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman para sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng DA na maaaring tumaas nang halos 60% ang presyo ng karne ng baboy, habang ang presyo ng bigas ay maaaring umakyat ng halos 50% kung lulubha pa ang kaguluhan sa Gulf region.
Nagpahayag naman ng pangamba ang ilang mamimili at nagtitinda sa naturang senaryo ng pagmahal ng bilihin. May ilang mamimili ang nagbabawas ng binibiling karne ng baboy, habang ang iba ay lumilipat sa mas abot-kayang alternatibo tulad ng isda at gulay.
Samantala, sinabi ng isang tindero na baka mapilitan siyang isara ang kanyang negosyo kung patuloy na tataas ang presyo ng mga bilihin at maghahanap na lang siya ng ibang ikabubuhay.
Sa Mega Q Mart sa Quezon City, ang pork liempo ay kasalukuyang ibinebenta sa halagang P400 kada kilo, habang ang iba pang bahagi ay nasa P320 hanggang P340 kada kilo.
Sa Kamuning Public Market, ang presyo ng karne ng baboy ay nasa humigit-kumulang P380 kada kilo. Tumaas din ang presyo ng bigas ng hanggang P5 kada kilo.
Ayon kay Rosendo So, ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), mas mataas kaysa inaasahan ang pagtaas ng presyo ng bigas.
“Ang presyo ng palay ngayon is P28. Ang dapat na lalabas sa miller is P46. Delivered sa retailer, sabihin natin up to retail, dapat P52 to P54 sa retail price ng bigas. Tayo nasa harvest timing,” paliwanag niy.
Idinagdag ni So na nasa P185–P190 kada kilo ang farmgate price ng baboy na katumbas ng retail price na humigit-kumulang P340–P350.
Sinabi ng SINAG na malabong umabot sa pinakamasamang sitwasyon ang bansa dahil inaasahang makababawas sa presyo ang gagawing pagsuspinde ng excise tax sa gasolina sa susunod na linggo.
Suportado rin ng National Price Coordinating Council ang rekomendasyon ng DA na maglagay ng limit o cap sa presyo ng imported na bigas sa P50 kada kilo. —Mariel Celine Serquiña/FRJ GMA Integrated News
