Inilabas na ng DreamWorks Animation ang trailer ng animated film na “Forgotten Island,” na tampok ang kulturang Pinoy, at makikita rin sa kanilang unang pasilip ang iconic jeepney.
Bibigyang-buhay ng tinig nina Liza Soberano at H.E.R. ang mga bida na sina Raissa at Jo, ang matalik na magkaibigang mula sa pagkabata.
Nagsisimula ang kanilang paglalakbay sa pagtatapos ng kanilang high school at nagbabalak na sa kanilang buhay sa kolehiyo. Pero habang naghahanda sila sa tatahaking landas, hindi sinasadyang mapupunta sina Jo at Raissa sa isla ng Nakali, isang misteryosong lugar na tinitirhan ng mga nilalang mula sa mitolohiyang Pilipino.
Habang tumatagal sila sa isla, unti-unting nawawala ang kanilang mga alaala. Sa paghahanap nila ng paraan upang makauwi, nakikilala nila si Raww (Dave Franco), isang “weredog,” at ang pinakakinatatakutang nilalang sa isla, ang Dreaded Manananggal (Lea Salonga).
Ipinakita sa trailer ang iba’t ibang elemento ng kulturang Pilipino na sumasalamin sa pagkakaibigang nagsimula pa noong kabataan—mula sa mga friendship bracelet na may personal na kahulugan, pagsakay sa jeepney, mga komunidad na kahawig ng mga bahay ng mga Pilipino, hanggang sa ayos ng silid-aralan sa mga paaralan sa Pilipinas.
Bukod kina Liza, H.E.R., Dave, at Lea, tampok din sa pelikula sina Dolly de Leon, Manny Jacinto, Jenny Slate, Jo Koy, at Ronny Chieng.
Nakatakdang ipalabas ang pelikula sa mga sinehan sa Setyembre 23.
Ang DreamWorks ay isang American film studio na nasa likod ng mga hit animated franchise tulad ng “How to Train Your Dragon,” “Shrek,” at “Kung Fu Panda,” at iba pa.—Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News
