Natanggal ang pustiso ng isang kalahok sa Miss Grand Thailand 2026 habang nasa stage at nagpapakilala.

Sa preliminary competition ng patimpalak noong Miyerkules, nagpapakilala si Kamolwan Chanago, Miss Grand Pathum Thani, nang biglang matanggal ang kaniyang pustiso pero hindi naman nahulog.

Sa kabila ng insidente, nagawa pa rin ni Kamolwan na tapusin ang kaniyang spiel at simpleng tumalikod sa mga manonood upang alisin ang kaniyang maluwag na pustiso.

Matapos makabawi, muling humarap si Kamolwan sa audience at nagbigay ng huling pose suot ang kaniyang evening gown.

Nagawa rin niyang ngumiti nang hindi ibinubuka ang labi.

Nakatakdang gawin ang coronation night ng Miss Grand Thailand 2026 sa Marso 28 sa MGI Hall, Bravo BKK Mall sa Bangkok.

Ang mananalo ay kokoronahan ni Miss Grand Thailand 2025 na si Sarunrat “Gotchabell” Puagpipat, at lalaban sa Miss Grand International 2026 sa India. — Jade Veronique Yap GMA Integrated News