Pitong aso sa hilagang-silangan ng China ang nag-viral matapos silang makita na sama-samang naglalakad pauwi matapos na makatakas umano mula sa mga pinaghihinalaang magnanakaw na konektado sa isang dog meat shop.
Ayon sa South China Morning Post, isang netizen na nagngangalang Lu ang nag-video sa mga aso, na iniulat na binubuo ng isang German shepherd, golden retriever, Labrador, corgi, at Pekinese, na naglalakad sa isang highway sa Changchun, lalawigan ng Jilin.
Ipinost ni Lu ang video sa Chinese social media app na Douyin at nanawagan sa mga lokal na awtoridad na tulungan ang mga aso. Mula noon, nakapagtala na ang video ng mahigit 230 milyong views.
Bilang tugon, isang local Chinese animal rescue organization sa China, ang Bitter Coffee Stray Dog Base, ang nagpadala ng mga volunteer at drone camera para tiyakin ang kaligtasan ng mga aso sa kanilang 17-kilometrong paglalakbay pauwi.
Ayon sa isang volunteer, ninakaw umano ang mga aso ng taong may kaugnayan sa isang dog meat shop bagaman wala pang katibayan na magpapatotoo rito.
Noong Marso 19, sinabi ng isang rescue volunteer sa Jimu News na lahat ng pitong aso ay ligtas na nakauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Isang krimen ang pagnanakaw ng aso sa China at maaaring magresulta sa multa o pagkakakulong.
Sa kasalukuyan, walang batas sa China na nagbabawal sa pagkain ng aso, ngunit naging isa ang Shenzhen sa mga unang lungsod na nagbawal sa pagkain ng pusa at aso noong 2020.— Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News

