Matapos ang isang dekadang pagtaya sa lotto, sinuwerte na ang isang seafarer at nanalo ng P45 milyon sa Grand Lotto 6/55 draw noong Marso 9, 2026. Dahil sa kaniyang napanalunan, hindi na umano muling sasampa ng barko ang lucky winner upang makapiling na ang pamilya.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing ang lumabas na mga numero sa nabanggit na lotto draw ay 38-32-08-20-19-09.

Inihayag umano ng marino na ang tinayaang mga numero ay kombinasyon ng mga petsa ng kaarawan at mahahalagang pangyayari sa kaniyang buhay.

Magdudulot umano ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay ang naturang panalo. Isa na rito ang hindi na pag-alis kahit nakakuha siya ng panibagong kontrata para sumampa ng barko.

Gagamitin umano ng marino ang premyo para magbayad ng utang, mag-invest at magsimula ng negosyo. – FRJ GMA Integrated News