Sugat na mula hita hanggang puwet ang tinamo ng isang lalaki sa Mangaldan, Pangasinan matapos siyang atakihin ng panabong na manok na may "tari."

Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing kailangang operahan dahil sa tinamong sugat ang 32-anyos na si Lawrence Resurreccion, empleyado ng sabungan sa Mangaldan.

Kuwento ng biktima, pinakawalan ng kaniyang amo ang isasabong nitong manok na may tari na (o patalim sa paa) pero sila ang hinarap nito sa halip na ang kalaban.

Una raw pinuntirya ng manok ang amo ni Resurreccion na nagawang makatalon at makalabas ng gradas o ruweda.

Nang makaalis ang kaniyang amo, si Resurreccion na ang ang inatake ng manok at natamaan ng tari.

Sa kabila ng insidente, isinabong pa rin ang umatakeng manok pero natalo ito sa kalaban at namatay.

Nanawagan naman ng tulong ang kabigan ni Resureccion para sa gagawing operasyon sa kaniya.-- FRJ, GMA News