Habang nagkakagulo ang ilang deboto sa prusisyon ng Itim na Nazareno, isang lalaki naman ang nag-alok ng kasal sa kaniyang kasintahan sa labas ng Quiapo church.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang nakakikilig na tagpo pagkatapos ng misa ng simbahan.

Magkakatabing tumayo at humilera ang mga kaibigan nina Christian Genese at Kristin Orpiano habang may hawak na letra na bumuo sa tanong na, "will you marry me?"

Hindi raw inasahan ni Kristin ang ginawa ng nobyo dahil ang buong akala niya ay magpi-picture taking lang sila.

Kaya naman laking gulat daw niya nang lumuhod si Christian at nag-propose.

Hindi naman nabigo ang lalaki dahil nakamit niya ang matamis na oo ng kasintahan.

Anim na taon na raw magkarelasyon ang dalawa atipinagdasal nila na maging mas matibay pa ang kanilang pagsasama.--FRJ, GMA News