Walang hirap na nahuli ng mga residente sa isang barangay sa Dauin, Negros Oriental ang sangkaterbang isdang tamban na napadpad sa dalampasigan.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabi ng ilang residente na gagamitin nila ang mga isda sa paggawa ng bagoong na pangunahing hanapbuhay sa lugar.
Paniwala ng ilan, dumami ang isda sa lugar dahil sa pagbabawal ng lokal na pamahalaan sa mga mangingisda na manghuli ng tamban.
Ayon naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, pinagbawalan ang mga mangingisda na manghuli dahil closed fishing season pa ang tamban sa Visayan seas.
Nagsimula ang closed fishing season noong November 2018 at matatapos sa February 15.
Layunin ng pagpapatupad ng closed fishing season na mapalaki at maparami ang mga isdang tamban sa dagat.-- FRJ, GMA News
