Ngayong bakasyon, hindi lang ito panahon ng pamamasyal sa mga Filipino. Ito rin ang panahon ng pagpapatuli ng mga binatilyo at mga batang lalaki.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, tinalakay ang moderno at tradisyunal na paraan ng pagtutuli.

Pinag-usapan din ang magandang epekto nito sa kalusugan tulad ng pagkakaiwas sa ilang sakit tulad UTI o urinary tract infection.

Sa covered court sa Barangay Molino Dos, Cavite kung saan may operation-tuli, naging agaw-pansin ang 14-anyos na si Marty Anjelo Natal o Jela, na miyembro ng LGBT community.

Kahit kikay at naka-lipstick si Natal, matapang niyang hinarap ang duktor na magtutuli sa kaniya.

At nang simulan na ang seremonya, napakanta pa siya.

Mas masakit pa nga raw ang palo sa kaniya ng kaniyang tatay kumpara sa ginagawa sa kaniyang pagtuli.

At nang matapos, balik sa pag-aura si Natal pero parang balak daw niyang ligawan ang isang nurse.

Samantala, may paalala naman ang duktor sa mga napapatuli sa tradisiyonal na paraan na "pukpok." 

Sabi ni Dr. Juvido Agatep Jr. ng East Avenue Medical Center, dahil hindi sterile ang mga ginagamit sa pukpok, mataas daw ang peligro na magkaroon ng infection ang tutuliin.

Dahil hindi rin tinatahi ang tuli sa pukpok, maaaring magkaroon umano ng matinding pagdurugo sa sugat nito. -- FRJ, GMA News