Doble ingat mga Kapuso!
May mga bagong modus ngayon na nambibiktima ng mga motorista at commuter.
Gaya na lang ng dalagang si Alyas Yolly nang minsang nag-aabang daw siya ng taxi sa North Avenue sa Quezon City.
Nilapitan daw siya ng isang lalaki at sinabing may sumusunod sa dalaga at umano'y may ipinahid sa kanya.
"Wala naman po ako napapansin na sumusunod sa 'kin, tingnan mo yung bag mo may nagpahid ng ano, noong hinawakan ko yung bag ko totoo nga may sticky consistency na umaalingasaw, tapos ang baho niya talaga," ayon kay Yolly sa ulat ni Ivan Mayrina sa Unang Hirit nitong Biyernes.
Inakala ni Yolly na mabuti ang hangarin ng lalaki, pero nagduda siya nang bigla na lang siyang dalhin nito sa madilim na bahagi ng Mindanao Avenue, hanggang umabot sa panghihipo sa kanya.
"Pumitas siya ng dahon yun ang ginamit nya pamahid sakin. Sa right shoulders, sa left shoulder, sa pwet ko tapos sa batok," kwento niya.
Dahil sa trauma, nagpost siya sa social media tungkol sa nangyari na agad namang nag-viral.
Laking gulat niya na hindi lang pala siya ang nabiktima ng parehong modus, nasa 30 na sila.
Sa isang kuha ng CCTV, makikita ang paglapit ng suspek sa iba pang babaeng biktima sa Commonwealth Avenue.
Napag-alaman din na iisang lalaki lang ang gumagawa nito at nalaman na ang kanyang pagkakakilanlan.
Nagsampa na raw ang mga biktima ng kaso.
Ayon kay NCRPO chief Guillermo Eleazar, maaring may problema sa pag-iisip ang suspek. Pinayuhan niya ang mga magiging biktima na magpunta sa pinakamalapit na police statio para magsampa ng reklamo.
Sa isa pang viral post, sa area naman ng Makati at Maynila, ketchup naman ang props ng nga kawatan.
Ang modus, papahiran daw ng ketchup ang matitipuhang biktima, at kung hindi magiging alerto, maaaring masalisihan, dahil ang ilang kasabwat, target ang mga mamahaling gadgets gaya ng cellphone.
Payo ng kapulisan sa mga commuters at motorista, maging maingat sa mga gamit at maging "hard target" para sa mga magnanakaw. —JST, GMA New
