Bawal magsuot ng anumang costume at maskara sa ilang sinehan sa Amerika ang mga manonood ng pelikulang "Joker" na pinagbibidahan ni Joaquin Phoenix. Sa harap ito ng pangamba ng pamilya ng mga naging biktima ng mass shooting sa Colorado noong 2012 kung saan may namaril sa loob ng sinehan habang ipinapalabas ang pelikulang "Batman."

Ayon sa ulat ng Reuters, ang nagpatupad umano ng ban sa maskara at costume ay ang Landmark Theaters chain (mayroong 52 sinehan). Papayagan naman ng Kansas-based AMC Theatres (mayroon 650 sinehan), ang pagsusuot ng costume pero bawal ang maskara.

“No masks, painted faces or costumes will be permitted into our theaters,” saad umano sa pahayag ng Landmark.

“Guests are welcome to come dressed in costume, but we do not permit masks, face paint or any object that conceals the face,” saad naman ng AMC sa pahayag.

Kasabay ng pagbubukas sa mga sinehan ng "Joker" sa Oktubre 4, tiniyak naman ng Los Angeles police na paiigtingin nila ang kanilang police visibility.

“The Los Angeles Police Department is aware of public concerns and the historical significance associated with the premiere of the Joker,” anang pulisya.

Matatandaan na 12 ang nasawi at 70 ang nasugatan nang mamaril si James Holmes sa loob ng sinehan sa Aurora, Colorado habang ipinapalabas ang "Batman: The Dark Knight Rises” noong 2012.

Nakasuot ng maskara at tactical clothing si Holmes nang gawin ang pamamaril.

Inakala lang noon ng mga tao na bahagi ng promotion ng pelikula ang salarin o katulad lang ng ibang nanonood na naka-costume.

Sa kabila ng pag-amin sa korte tungkol sa kaniyang nagawang krimen, idinahilan ni Holmes na may problema siya sa pag-iisip. Pero hindi ito pinaniwalaan ng hukom at hinatulan siya na makulong.

Nangangamba ang mga pamilya ng mga naging biktima ni Holmes na baka maulit ang insidente kapag hindi naging mahigpit sa pagpapalabas ng "Joker," ang kalaban ni Batman na may problema sa pag-iisip.--Reuters/FRJ, GMA News