Hawak pa rin ng isang babae mula sa Japan ang titulong "world’s oldest living person" matapos niyang ipagdiwang ang kaniyang ika-117th birthday.

Sa ulat ng Reuters, kinilala ang pinakamatandang tao na nabubuhay sa mundo na si Kane Tanaka, na naninirahan sa isang nursing home sa Fukuoka, Japan.

Kasama ni Tanaka na nagdiwang ng kaniyang kaarawan nitong Linggo ang mga kaibigan at mga kawani sa nursing home, na ikinober pa ng local broadcaster TVQ Kyushu Broadcasting Co.

Enero 2 ang kaarawan ni Tanaka, na tumikim ng malaking cake na inihanda sa kaniya.

“I want some more,” nakangiting sabi ni Tanaka nang matikman ang cake.

Nakuha ni Tanaka ang titulong oldest living person ng Guinness World Records noong Marso 2019 sa edad na 116 years and 66 days old.

Ayon sa Guinness World Records, premature baby si Tanaka nang isilang noong 1903.--Reuters/FRJ, GMA News