Edad 17 nang unang nabuntis si Ednalyn pero hindi nagtuloy nang makunan siya. Sa ikalawa niyang pagbubuntis, premature naman ang bata at binawian ng buhay. Kaya naman laking tuwa niya nang muli siyang nabuntis sa edad na 23 at lumitaw na malusog si baby Rachelle. Kaya lang, may kakaiba siyang napansin sa dibdib ng sanggol—may gatas na lumalabas sa dibdib nito.
Dalawang linggo pa lang daw si baby Rachelle nang mapansin ni Ednalyn na maumbok ang dibdib ng anak kaya niya naisipang pigain ito. Laking gulat niya nang may lumabas na puting likido sa nipple ng sanggol na tila gatas.
Pero hindi raw niya nagawang tikman ang naturang likido at inisip na lang niya na gatas lang na pinapainom niya sa bata ang lumalabas sa dibdib nito.
Hindi rin naman daw umiiyak o nasasaktan ang bata sa tuwing pipigain niya ang dibdib nito.
"First time ko pong maka-encounter ng ganito kasi sinubukan po naming i-search sa Youtube po, sa Google po, wala pong lumalabas. Sa tingin ko po, baby ko lang po ang may ganun," sabi ni Ednalyn sa "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Ang mister niya si Marlon, hindi naiwasang kabahan sa kondisyon ng anak.
"May napanood ako dati na batang nireregla na posibleng maagang mabuntis. Siyempre natatakot din ako na kalaunan, baka ganoon yung kanyang maging kondisyon," saad niya.
Sa tulong ng "KMJS", sinamahan sina Marlon at Ednalyn upang ipasuri ang kanilang anak sa doktor nang malaman ang tunay na kalagayan nito.
Ayon kay Pedia-Endocrinologist Dr. Wilson Cua, ang likido na lumalabas sa dibdib ng sanggol ay gatas, at ang kondisyon niya ay tinatawag na Neonatal Galactorrhea Milk o "Witch's Milk."
Bakit nga ba ito nangyari sa sanggol, pangkaraniwan ba ang ganitong pangyayari sa mga sanggol, o may peligro ba itong dulot sa bata? Alamin ang paliwanag ng duktor sa episode na ito ng "KMJS." Panoorin.
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA News
