Para hindi kumalat ang COVID-19 sa Indonesia, ilang lugar ang nagpapatupad na rin ng kautusan para hindi na lumabas sa mga bahay ang mga tao. Ang mga tao naman sa isang barangay sa Java na susuway at lalabas ng bahay sa gabi, nagugulantang sa "multong" bigla na lang sumusulpot sa dilim.

Sa ulat ng Reuters, sinabing gumagamit ang barangay Kepuh ng mga "multo," o mga boluntaryong residente na binalutan nila ng puting tela para magmukhang "pocong," na kasama nilang magbantay sa mga kalsada.

“We wanted to be different and create a deterrent effect because ‘pocong’ are spooky and scary,” paliwanag ni Anjar Pancaningtyas, lider ng youth group ng barangay. Batid din umano ng pulisya ang naturang pakulo.

Ang “pocong” ay matandang kuwentong kababalaghan sa Indonesia, o isang uri ng multong nakabalot sa puting tela at maputi ang mukha. Pinaniniwalaan ito na nakabilanggong kaluluwa.

Nang una umano itong gamitin bilang panakot, sa halip na manatili sa bahay ang mga tao ay kabaligtaran ang nangyari. Naglalabasan umano ang tao para makita ang "multo."

Kaya naman nagsagawa sila ng ilang pagbabago sa taktika at kabilang dito ang bigla na lang paglitaw ng "multo" sa mga lalabas ng bahay.

Bagaman hindi pinaboran ni President Joko Widodo ang national lockdown kontra sa coronavirus, nagpasya na lang ang ilang lugar na sila na lang ang magsagawa ng paraan para maiwasan ang paglipana sa kalsada ng mga tao dahil pa rin sa panganib na dulot ng COVID-19.

“Residents still lack awareness about how to curb the spread of COVID-19 disease,” ayon sa village head na si Priyadi, “They want to live like normal so it is very difficult for them to follow the instruction to stay at home.”

Mayroon nang mahigit 4,000 na kaso ng coronavirus sa Indonesia, at 373 sa kanilang ang nasawi.

Ilang lugar din sa Pilipinas ang gumagamit ng taktikang pananakot  tulad ng ataul at "si Kamatayan" para huwag nang lumabas ng bahay ang mga tao sa panahong umiiral ang enhanced community quarantine.--Reuters/FRJ, GMA News