Pagsapit ng gabi, rumoronda na ang mga tanod at pulis sa Barangay Lapuz Norte sa iloilo City, hindi lang para masigurong nasusunod ang curfew, kundi para bantayan ang kanilang lugar mula sa umano'y aswang na nangunguha ng bata.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, napag-alaman na isang batang babae ang sinasabing natangay ng pinaniniwalaan nilang aswang.

Kinalaunan, nakita ang bata sa bubungan ng isang bahay.

Ngunit hindi roon natapos ang misteryo dahil isang gabi, muli na naman daw umatake ang aswang para kunin ang bata at doon na nagkaroon ng matindi at tensiyonadong habulan.

Ang sinasabing aswang, nagpalipat-lipat daw sa bubungan hanggang sa tuluyang mawala sa dilim.

Aswang nga kaya ang kinatatakutan ng mga tao? Alamin ang paliwanag ng mga awtoridad sa video na ito ng "KMJS." Panoorin.


FRJ, GMA News