Pinagkakaguluhan at kinagigiliwan ngayon sa isang barangay sa Laoag City, Ilocos Sur ang biik na isinilang na may dalawang mukha sa iisang ulo at katawan.

Sa ulat ng GMA Regional TV na Balitang Amianan, may dalawang nguso ang biik at tatlo ang mata.

Ayon sa may-ari ng biik na si Macmac Andres, siyam lahat ang biik na iniluwal ng kaniyang inaheng baboy at isa lamang ang hindi normal ang hitsura.

Sa ngayon ay sa botelya umano pinapasuso ang pambihirang biik dahil hindi ito makasuso sa kaniyang ina.

Maliksi naman ang biik pero nahihirapang  tumayo na mag-isa na maaaring dahilan umano sa kaniyang ulo na may dalawang mukha.

Ayon sa beterinaryong si Dr. Arthur Cabello, dalawang biik na hindi nakompleto ang development ang nangyari sa biik na dalawa ang mukha.

Maliit daw ang tiyansang mabuhay nang matagal ang mga biik na may ganitong kondisyon.--FRJ, GMA News