Nagpatupad ng rat control program ang lokal ng pamahalaan ng San Luis, Pampanga at binabayaran nila ng P5 ang bawat dagang mapapatay ng mga tao.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing sa halip na buong daga, buntot na lang ang kailangan dalhin ng mga tao sa Municipal Agriculture Office para makasingil ng pabuya.

Sa ngayon, umabot na raw sa 4,277 ang buntot ng daga na dinala sa tanggapan na nagkakahalaga ng mahigit P21,000.

Ipinatupad daw ng lokal na pamahalaan ang naturang programa para maiwasan ang pamiminsala ng mga daga sa kanilang mga palayan.--FRJ, GMA News