Kahit nagtamo ng mga bali sa katawan, muntik pang makasuhan ang isang rider ng motorsiklo na sumalpok sa nagmamaniobrang trailer truck sa Bantay, Ilocos Sur. Nahuli-cam kasi ang aksidente at nakita na siya ang may kasalanan.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, ipinakita ang CCTV footage habang nagmamaniobra ang truck para tumawid sa kabilang kalsada sa Barangay Sinabaan.

Sa video, makikita rin ang isang lalaki na may hawak na flashlight para alalayan ang driver ng truck at maalerto ang mga motorista.

ADVERTISEMENT

Ang mga motorista at ilang motorsiklo, tumigil naman para magbigay-daan sa truck. Pero maya-maya lang, dumating ang isang humaharurot na motorsiklo na may sakay na dalawang lalaki at dire-diretsong sumalpok sa gilid ng truck.

Nakaligtas naman ang dalawang sakay ng motorsiklo pero nagtamo ng mga bali sa katawan ang rider na kinilalang si Michael Pugal, 34-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na parehong nakainom ng alak ang mga sakay ng motosiklo.

Wala namang nakita ang pulisya na pananagutan ng driver ng truck, at sa halip ay ang nasaktang rider ang posibleng kasuhan sa nangyaring insidente.

Pero dahil magkakamag-anak ang sangkot sa aksidente, nagpasya ang may-ari ng truck na huwag nang kasuhan ang rider. --FRJ, GMA News