Isang critically endangered na pangolin na halos limang kilo ang bigat ang nasagip sa Ayala Alabang, Muntinlupa City.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing tila takot ang pangolin nang makita ng environmentalist na si Anna Varona sa barangay hall ng Ayala Alabang noong Martes.

“Nung kinakausap ko siyang ganyan, hello, hello, ‘yun nag-uncurl siya tapos tinitingnan niya kami,” ayon kay Varona. “They are very docile, pag natakot ‘yan, they’ll just curl up in a ball.”

Ayon sa mga opisyal ng barangay, tumawag sa kanila ang isang residente para humingi ng tulong.

“There was a commotion, dogs are barking and they saw an odd-looking animal. They didn’t know what kind it was. So they called the security and security came over and caught the animal,” security coordinator Antonio Lazo sng barangay.

Nasa maayos na kalusugan naman daw ang pangolin na pinangalanang Pandi, ayon kay Varona

“Pandi was very healthy. He’s actually probably the biggest pangolin that was ever rescued by DENR-BNB. Smooth pa siya tapos wala pa siyang mucus sa ilong,” aniya.

“Kasi kapag nagkaka mucus sa ilong ibig sabihin noon para bang humihina ‘yung resistansa nila sa surroundings nila. Most likely, kararating lang niya dito sa Maynila, kasi mayroon pang laman ‘yung tiyan niya nung in-x-ray siya,” patuloy niya.

May bigat na 4.9 kilo ang pangolin na hinihinala ni Varona na ipinuslit sa Maynila para kainin.

Nagkakahalaga raw P100,000 ang bawat kilo ng karne ng pangolin.

Nasa pangangalaga ng National Wildlife Rescue and Research Center ang hayop at ibabalik sa natural nitong tirahan sa Palawan.

Humingi naman ng tulong ang barangay sa National Bureau of Investigation sa pangambang may mga residente na nag-aalaga ng endangered species.--FRJ, GMA News