Nagtamo ng mga sugat ang isang bus driver at kaniyang konduktor matapos nilang makaaway ang magkapatid na motorcycle rider at mga angkas na live-in partner nito sa kalsada sa Quirino Highway, Quezon City. Ang pinagmulan ng away, ang pagbusina ng bus dahil sa pag-swerve umano ng isa sa mga motorsiklo.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang gulo at sigawan ng ilang motorista at pasahero ng bus.

Ang lalaking konduktor ng bus na nakaberdeng polo shirt, tila hinila sa damit ng babaeng may dala-dalang bata. Ang isang babae naman, pinalo siya ng helmet.

Hanggang sa pagtulungan ang konduktor ng dalawang lalaki. Ilang beses siyang sinuntok ng lalaking walang damit pang-itaas, habang ilang beses naman siyang hinataw ng tubo ng isa pang lalaking nakaputi.

Pag-andar ng bus, pinalo ng lalaking nakaputi ng tubo ang side mirror nito.

Ilang saglit pa, makikitang sumakay na ang duguang konduktor sa bus. Hindi masyadong nakunan sa video pero sugatan pati ang bus driver.

“Ang ating bus driver nagtamo ng sugat sa ulo na kailangang tahiin ng five stitches. At ganoon din naman po ‘yung konduktor, nagtamo rin po ng sugat sa ulo at tinahi rin po,” sabi ni Police Major Gilbert Caducano, Pasong Putik Deputy Station Commander.

Naganap ang insidente noong Sabado, ngunit Lunes na nakapag-report sa Pasong Putik Police Station ang driver at konduktor.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagmula sa Bulacan ang bus at papuntang NIA Road nang makasabay nila sa Quirino Highway ang isang motorcycle rider.

“Nag-swerve ‘yung rider and then nagbusina ‘yung bus driver para po i-aware ‘yung rider natin. And then umabante po ulit ‘yung rider. Paghinto ng bus, nagkaroon na po sila ng pagtatalo. Nauwi sa pagbasag ng side mirror at pagbasag ng windshield. Bumaba po ‘yung ating driver na may dalang tubo para depensahan ang sarili ngunit naagaw ito ng rider. Kaya ‘yon po ‘yung naipalo roon sa ulo,” sabi ni Caducano.

Sumali umano sa gulo ang isa pang rider na kasama niya sa biyahe, pati ang kani-kanilang angkas.

Sa follow-up operasyon ng pulisya, natukoy ang pagkakakilanlan ng mga motorcycle rider na magkapatid pala at mga angkas nilang live-in partners.

Inimbitahan sila sa estasyon ng pulisya nitong Martes, at nakaharap nila ang bus driver at konduktor.

Ayon sa pulisya, desididong maghain ng reklamong serious physical injuries ang bus driver at konduktor laban sa mga rider.

Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang pahayag ng dalawang panig. —Jamil Santos/VBL GMA News