Inilahad ng National Bureau of Investigation nitong Miyerkoles na inaresto nila ang online media network personality na si Franco Mabanta matapos niyang subukang kikilan umano si dating speaker at kasalukuyang Leyte 1st District Representative na si Martin Romualdez.

Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na nadakip si Mabanta sa isang entrapment operation.

Sinasabi umano ng suspek na mayroon siyang mga video na nagpapakitang sangkot si Romualdez sa flood control mess.

Pinilit umano ni Mabanta si Romualdez na magbayad ng P350 milyon at kung hindi ilalabas niya ang mga nasabing video sa Peanut Gallery Media Network, na kaniyang itinatag.

Inaresto ang suspek matapos makatanggap ng P300 milyon na marked money.

Mahaharap sa reklamong robbery by extortion in relation to violations of the Cybercrime Prevention Act ang media personality.

Hiningian na ng GMA News Online ng komento ang opisina ni Romualdez ngunit wala pa itong inilalabas na pahayag. —Jamil Santos/VBL GMA News