Sentro ngayon ng kontrobersiya ang social media personality at political content creator na si Franco Mabanta matapos siyang dakpin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI), kasama ang apat pang iba, kaugnay ng umano’y tangkang pangingikil kay dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez ng P300 milyon.

Ayon sa NBI, nadakip si Mabanta at ang kaniyang mga kasama sa isang entrapment operation na may kaugnayan sa sinasabing plano laban kay Romualdez. Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na kumpletong detalye ang mga awtoridad tungkol sa reklamo at mga kasong isinampa laban kay Mabanta.

Itinanggi naman ni Mabanta ang mga paratang laban sa kaniya.

Agad na umani ng atensyon online ang pag-aresto at maraming tao ang nagtanong kung sino ng aba si Franco Mabanta?

Dating political campaign figure

Si Mabanta ay isang Filipino digital strategist, social media personality, at political commentator, na nakilala dahil sa kaniyang partisipasyon sa mga online political campaign na sumusuporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Malimit siyang tinutukoy sa mga ulat sa media at online bilang dating social media director o digital campaign figure na konektado sa kampanya ni Marcos sa pagkapangulo.

Sa isang Facebook post noong 2019, isinulat ni Mabanta ang tungkol sa tinawag niyang “warm memories and awesome anecdotes” mula sa kanyang partisipasyon sa kampanya ni Marcos noong eleksyon.

“Being a strategist and the chief social media director for the Marcoses was unlike anything I had experienced in my life—not so much because theirs is indisputably the most crucial last name in Philippine history, but more because I was working for a proper human being, a truly good person,” pahayag niya.

Gayunman, sa isang press briefing sa Cebu noong Miyerkules, nilinaw ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na walang kaugnayan si Marcos kay Mabanta.

“Hindi siya kaibigan ng Pangulo,” ani Castro, at idinagdag na mas mainam na itanong kay Mabanta mismo ang tungkol sa kaniyang sinasabing ugnayang politikal.

Iminungkahi rin ni Castro na suriin ang koneksyon ni Mabanta sa kampo ng Duterte, at binanggit na may ilang content siya na kritikal sa administrasyong Marcos.

“You may want to ask him about his relationship with the Dutertes. In many of his articles, he has featured content that tends to go against the administration,” dagdag niya

Sa paglipas ng mga taon, nakapag-ipon si Mabanta ng mga tagasubaybay sa Facebook, Instagram, YouTube, at iba pang platform sa pamamagitan ng political commentary, livestreams, at talakayan tungkol sa mga isyung pambansa.

Isa rin siya sa mga co-founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN), isang digital media platform na inilunsad noong 2024 na gumagawa ng political commentary at online content.

Batay sa mga pampublikong impormasyon, inilarawan ang PGMN na isang independent media network na nakatuon sa politika, pamamahala, at mga isyung panlipunan.

Mayroong iba’t ibang hosts at commentators ang platform na tumatalakay sa kasalukuyang mga pangyayari at pambansang kontrobersiya, at pangunahing aktibo sa social media tulad ng Facebook, YouTube, Instagram, at TikTok.

Patuloy na aktibo online si Mabanta, at regular na nagpo-post ng mga opinyong politikal, panayam, at commentary videos. Ayon sa kanyang Instagram account, sinabi niyang konektaado siya sa PGMN at media production.— Sherylin Untalan/FRJ GMA News