Nagliyab ang loob ng isang tindahan sa New York, U.S.A. matapos hagisan ng molotov bomb ng isang lalaki na nakipagtalo raw sa tauhan ng naturang establisimyento.
Sa video na mapapanod sa GMA News Feed, nahuli-cam ang pagliyab sa loob ng tindahan sa Brooklyn.
Dalawang staff ng tindahan ang nakitang lumabas at ang isa ay natumba pa dahil sa pagtakas sa apoy.
Maghahagis pa sana ng isang molotov ang suspek na nasa labas ng tindahan pero sinagi ng isang saksi ang boteng may gasolina bago pa ito maibato ng salarin.
Kaya naman sumabog at nagliyab ang molotov sa labas ng tindahan at muntik madamay ang isang nakaparadang sasakyan.
Naagapan naman ang sunog sa loob ng tindahan dahil sa mabilis na pagresponde ng mga bumbero.
Nakatakas ang salarin pero nahuli rin kinalaunan na nakilalang si Joel Mangal, 38 anyos.
Hindi pa malinaw kung ano ang pinag-awayan ni Mangal at umano'y tauhan sa tindahan.
Mahaharap si Mangal sa patong-patong na kaso kabilang na ang arson.--FRJ, GMA News
