Isang kotse ang bumangga sa puno at bumaligtad sa gilid ng kalsada sa Sto. Domingo, Ilocos Sur. Kuwento umano ng driver ng kotse na isang pulis, may iniwasan siya na tila "tao."
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing galing sa Baguio at pauwi na ang pulis nang mangyari ang aksidente sa provincial road sa Barangay Cabigbigaan sa nabanggit na bayan.
Ayon sa pulisya, sinabi ng driver na may iniwasan siyang parang "tao" kaya nawalan siya ng kontrol sa sasakyan.
Napag-alaman na ilang aksidente na rin umano naganap sa lugar at pare-parehong sinasabing dahilan ng sakuna.
Sinabi ng isang residente, mayroon umanong babae nakaputi ang nagpapakita sa lugar.
Inihayag naman ng isang pari na dasal ang maaaring ialay sa mga kaluluwa na bumabalik at nagpaparamdam.
Pero may posibilidad din umano na produkto ng imahinasyon ng tao ang mga inaakalang multo.--FRJ, GMA News
