Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na bibisita sana sa city jail ng Naga, Camarines Sur, matapos na may makitang tuyong dahon ng marijuana sa suwelas ng kaniyang sapatos.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Jhon Michael, 20-anyos.

ADVERTISEMENT

Ayon sa mga awtoridad, bahagi na ng proseso sa kulungan ang suriin ang mga dalang gamit at kasuotan ng mga dadalaw sa piitan.

Pero nang alisin ang sapatos ng suspek, nakita sa suwelas nito ang mga tuyong dahon ng marijana na nakabalot sa papel.

Agad na nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pulisya para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Pero kahit nakita ang marijuana sa kaniyang sapatos,  todo-tanggi pa rin ang suspek sa paratang laban sa kaniya.--FRJ, GMA News