Inspirasyon kung maituturing ang kuwento ng dating pulubing si Kuya Berta na ngayon ay may trabaho na sa Cebu City.

Ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Martes, hinangaan ng maraming netizen ang pagbabago sa buhay ng dating nag-viral na English-speaking na pulubi.

Dati umanong guro si Kuya Berta, isang magaling na volleyball player at dati ring katekista. Subalit matapos masawi sa pag-ibig ay nalulong siya sa droga at naging palaboy ng mahigit 20 taon.

Taong 2020 nang may isang vlogger na lumapit sa Safehaven Addiction Treatment and Recovery Village para matulungan si Kuya Berta.

Isang taon lang ang nakalipas ay naka-recover agad si Kuya Berta. Napabilang din siya sa administrative staff ng SafeHaven. Stay-in si Kuya Berta sa kanyang trabaho at pa-minsan minsan ay bumibista rin siya sa kanyang pamilya.

Itinuturing din si Kuya Berta bilang Ambassador of Hope ng nasabing rehabilitation center.—Sherylin Untalan/AOL, GMA News