Nahuli-cam ang ginawang pagdukot ng isang lalaki sa wallet ng isang babae na nakalagay sa loob ng bag ng biktima sa Negros Occidental. Ang taktika ng suspek at mga kasabwat nito, alamin.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Lunes, makikita sa CCTV video ang kumpulan ng mga tao sa isang establisimyento sa Binalbagan, Negros Occidental.

Isang babae na may bag ang makikitang kabilang sa mga taong nakapila. Nasa tabi niya ang isang suspek na nakasuot ng damit na kulay grey. Habang may kahina-hinalang babae naman nakapuwesto sa kabila niya.

ADVERTISEMENT

Ang isa pang suspek na lalaki na naka-puting t-shirt ang nasa likod ng biktima para takpan ang ginagawa ng kaniyang kasabwat.

Maya-maya pa, dinikitan na ng suspek na naka-grey t-shirt ang bag ng biktima at tinakpan ng hawak nitong jacket.

Nang tila may nakuha na, kapansin-pansin na biglang umalis ang babaeng katabi ng biktima at sandaling tumigil sa tapat ng suspek na naka-grey t-shirt.

Habang ang suspek na naka-puting damit, pumalit naman sa puwesto ng babaeng unang katabi ng biktima.

Pagkakuha sa wallet ng biktima na sinasabing may laman na P10,000 na pera, naglaho na ang dalawang lalaki at babaeng katabi ng biktima.

Ayon sa biktima na itinago sa pangalang Lovely, nalaman lang niya na wala na ang kaniyang wallet nang magbabayad na siya.

Inireport na sa pulisya ang insidente at inaaalam na ang pagkakakilanlan ng mga suspek. --FRJ, GMA News