Nauwi sa diborsiyo ang pagsasama ng isang mag-asawa sa India matapos magreklamo ang mister na walang ibang ipinakain sa kaniya ang kaniyang misis kung hindi instant noodles.

Inihayag ni Principal district judge ML Raghunath sa ulat ng New Indian Express, ang naturang usapin kaugnay sa mga kaso ng mag-asawang naghihiwalay.

Ayon kay Raghunath tungkol sa tinawag na "Maggi case," inireklamo ng lalaki na walang ibang alam na pagkain na kayang ihanda ang kaniyang misis kung hindi instant noodles.

“It was noodles for breakfast, lunch and dinner. He complained that his wife went to the provision store and brought only instant noodles,” sabi ng hukom sa ulat.

Nagkasundo umano ang mag-asawa na maghiwalay na lang.

Ayon kay Raghunath, dumadami ang mag-asawang naghahain ng diborsiyo. Inihayag din niya na, "settling matrimonial disputes is a little difficult."

Mayroon umanong mga bagong kasal na naghahain ng diborsiyo isang araw pa lang matapos ikasal. Ilan sa mga naghahain ng dibosiyo ay maituturing mababaw ang dahilan.

May mag-asawa umano na maghihiwalay dahil hindi lang nagkakausap, maling paglalagay ng puwesto ng asin, hindi nailalabas ang asawa at iba pang dahilan.

“Divorce cases are increasing drastically over the years. Couples have to stay together for at least a year before seeking divorce. If there was no such law, there would be divorce petitions filed directly from wedding halls,” ani Raghunath.

Sinabi rin ng hukom na mas marami ang nagpepetisyon para sa diborsiyo sa mag-asawang nasa kalunsuran kaya sa mga naninirahan sa kanayunan.

"In rural areas, village panchayats intervene and settle the problems. Women have no independence and their fear of society and family sentiments force them to cope with the situation. But in cities, women are educated and financially independent,” anang hukom. --FRJ, GMA News